Nanawagan ang isang mambabatas kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na icertify bilang urgent ang panukalang P200 wage hike sa mga manggagawang Pilipino.
Ayon kay House Committee on Labor and Employment Chairman Rizal 4th district Rep. Fidel Nograles, ang pagpasa sa panukalang batas na ito ay makakatulong sa lahat ng Pilipino sa pagbili ng pagkain para sa kanilang pamilya.
Naniniwala ang mambabatas na kailangan nang aksyonan ngayon ang mababang pasahod sa bansa sa kabila ng mga nagtataasang presyo ng pangunahing bilihin.
Una nang sinabi ng Malacanang na inatasan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang regional wage boards na ireview ang kasalukuyang pasahod sa mga manggagawa.
Sa kabila nito ay iginiit ni Nograles na ang tumataas na kagutuman sa bansa at mataas na pasahe ay dapat na bigyang pansin ng pangulo.
Kakarampot na lamang kasi ang naiuuwi ng mga ito sa kanilang pamilya dahil sa mababang sahod at mataas na bilihin at pamasahe.