Pinuri ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng mga panukalang batas sa Senado na magsusulong ng job creation o ang paglikha ng trabaho at student welfare o ang kapakanan ng mga estudyante.
Sa bilang na 22 affirmative votes, inaprubahan ng upper chamber ang Senate Bill No. 1594 o ang “One Town, One Product (OTOP) Philippines Act of 2023” na inisponsoran ni Senador Mark Villar.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, 99.58% ng lahat ng business enterprises sa bansa ay kabilang sa Micro, Small and Medium-sized Enterprises (MSMEs), na nagbigay ng 5.46 milyong trabaho noong taong 2021.
Sinabi rin ng Majority Leader na ang pagiging institusyunal o permanente ng programa ay magbibigay ng mas malaking suporta sa mga MSMEs at makatutulong din sa domestic trade o lokal na kalakalan, eksportasyon o ang pagluluwas ng mga kalakal sa ibang bansa, paglikha ng trabaho, at gayundin ang pagpapalakas ng sektor ng turismo.
Maliban sa mga nabanggit, layunin din ng panukala na magbigay ng assistance packages para sa mga MSMEs tulad ng product development, capacity building, standards and market compliance, market access and promotion, at iba pa.
Inaprubahan din sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1359 o ang “No Permit, No Exam” Prohibition Act” at ang Senate Bill No. 1864 o ang “Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act” na parehong inisponsoran ni Senador Chiz Escudero.
Sabi ni Villanueva, co-author ng parehong panukala at Commissioner ng EDCOM 2, ang pagpasa ng mga panukalang ito ay magbibigay katiyakan sa mga estudyante na hindi hadlang ang kahirapan o kakulangang pampinansyal para makakuha sila ng de-kalidad na edukasyon.
Samantala, ipinasa din sa Senado nitong Lunes ang Senate Bill No 1841 o Cultural Mapping bill at 13 iba pang local bills na magpapalakas sa education system sa bansa.