Sinita ng mga miyembro ng House Quinta “Murang Bigas” Committee noong Martes ang hindi umano pagmamadali ng mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), at National Food Authority (NFA) para mapababa ang presyo ng bigas.
Sa ikalimang pagdinig ng mega panel hinggil sa mataas na presyo ng bigas at iba pang pagkain, pinuna ng mga mambabatas ang kabiguan ng mga ahensya na maglabas ng draft para sa deklarasyon ng food security emergency mahigit isang linggo matapos ipahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabor siya sa hakbang na ito.
Sinabi ni DA Undersecretary Christopher Morales sa komite na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na iniikot pa ang papel para sa pagdedeklara ng food security emergency sa bansa.
Tinanong kasi Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo kung ano pa ang kulang.
Sagot naman ni Morales na kanila pang hinihintay ang rekumendasyon ng NPCC (National Price Coordinating Council) para sa deklarasyon ng food security emergency sa bansa.
Ikinadismaya naman ni Oriental Mindoro Rep. Arnan Panaligan ang tila kawalan ng urgency ng mga opisyal na makapagpatupad ng mga hakbang upang mapababa ang presyo ng bigas.
Hinimok ni Panaligan ang DA na maging “dynamic and aggressive” sa kampanya upang mapababa ang presyo ng pagkain, partikular ang bigas.
Sa pagdinig ng Murang Bigas Committee noong Martes, sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na ipinagbabawal ng batas sa kanilang ahensya na magbenta ng bigas nang walang deklarasyon ng food security emergency.
Kapag nailabas ang deklarasyon, sinabi ni Lacson na magbebenta ang NFA ng humigit-kumulang 300,000 sako ng “aging” stocks sa halagang P29 kada kilo at hanggang 500,000 sako ng “regular” stocks sa “subsidized price” na P38 kada kilo.
Aniya, ang NFA ay lugi ng P10 bawat kilo dahil ang kanilang ibinebentang bigas ay P48 kada kilo.
Sinabi naman ni Quimbo na ang planong P38 subsidized selling price ng NFA ay mataas pa rin.
Ipinaalam niya sa komite na sa isang barangay sa Marikina, dalawang retailer ang “nagbebenta ng kanilang stocks consistently sa halagang P39 kada kilo.”
Nang tanungin niya ang mga ito, sinabi raw ng mga retailer na direktang binibili ang kanilang supply mula sa mga rice miller sa Bulacan at Nueva Ecija.
Inalala ni Salceda na sa isang pagpupulong na dinaluhan ng mga miyembro ng Kamara at Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel noong nakaraang buwan, nangako ang mga rice miller at trader sa Bulacan na ibebenta ang kanilang stocks sa halagang P37 kada kilo.