TUGUEGARAO CITY-Inaalam na ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng isang lalaki na dumukot sa isang batang lalaki matapos na mahuli na namboboso sa Barangay New Tanglag sa Tabuk City, Kalinga noong gabi ng September 6.
Sinabi ni PMAJ Coney Baglinit, tagapagsalita ng PNP Tabuk na mayroon na silang person of interest subalit nagsasagawa pa sila ng karagdagang imbestigasyon upang ito ay makumpirma.
Ayon kay Baglinit, hindi rin kasi kilala ng dinukot na bata ang lalaki sa halip ay nagbigay lamang siya ng paglalarawan sa suspect.
Sinabi ni Baglinit na bago ang sapilitang pagtangay ng suspect sa bata ay may nakita ang tiyahin ng biktima na may namboboso sa kanya habang siya ay naliligo.
Dahil dito, nagsisigaw ang babae at sa taranta din ng suspect ay naiwan niya ang kanyang flashlight at tsinelas kaya ito bumalik at sa kanyang muling pagtakas ay nataon naman na lumabas ang bata.
Sinabi ni Baglinit na maaaring isinama ng lalaki ang bata upang mayroon siyang proteksion.
Ayon kay Baglinit, dalawang oras bago pinakawalan ng suspect ang bata na dinala ng PDRRMO sa Kalinga Provincial Hospital bago ibinalik sa kanyang mga magulang.
Sinabi ni Baglinit na isinailalim ng City Social Welfare Development Office sa debriefing ang bata.
Kaugnay nito, sinabi ni Baglinit na ang nasabing insidente ay hindi kaso ng sinasabing puting van na kumukuha ng mga bata.