-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Police Captain Emmerson Alipit, Tagapagsalita ng Butuan City Police Office (BCPO) na nasa stable na kalagayan na ang manager na binaril sa may Daisy Boy Village, 9th St. Guingona, Brgy. JP Rizal nitong lungsod ng Butuan.

Nakilala ang biktima na si Norly Dizon, 49-anyos, tubong Pampanga ngunit kasalukuyang nakatira sa Golden Sun, Brgy. Villakananga nitong lungsod at manager ng Y Hotel.

Ayon kay Police Captain Alipit, may binili lamang ang biktima sa tindahan na malapit sa pinagtatrabahuan nang biglang dumating ang mga suspek na sakay ng pulang Honda XRM motorcycle kung saan ang sakay nito siyang bumaba at bumaril sa biktima sa dalawang beses gamit ang umano’y .45 na pistola.

Natamaan sa mukha at tiyan ang biktima na nakatakbo pa bago nadala sa pribadong ospital.

Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang motibo sa pamamaril.

Kasama na nito ang pagkuha sa CCTV Footage sa mga establishemento na posibleng nakakuha sa tumakas na mga suspek.