-- Advertisements --

Nagpulong sa unang pagkakataon sina Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Enrique Manalo at kaniyang counterpart na si US Secretary of State Marco Rubio sa sidelines ng Munich Security Conference sa Germany.

Tinalakay ng 2 opisyal ang nagpapatuloy na bilateral coordination ng Amerika at PH sa pagtugon sa mga destabilizing actions ng China sa disputed waters at ang tumataas pang economic cooperation sa imprastruktura, critical minerals, information technology at enerhiya kabilang na sa pamamagitan ng civil nuclear cooperation, base sa readout mula kay US State Department spokesperson Tammy Bruce.

Aniya, hindi lamang pinagtibay ni Sec. Rubio ang commitment ng Amerika sa alyansa nito sa Pilipinas kundi binigyang diin din niya ang pagpapatatag pa sa aniya’y “invested at enduring relationship” ng 2 bansa.

Ang pagpupulong ng 2 foreign secretaries ay halos isang buwan ang nakakalipas mula nang magkausap ang dalawa sa isang phone call noong Enero 22 kaugnay sa estado ng defense at security cooperation kabilang ang suporta para sa defense modernization ng ating bansa at sitwasyon sa disputed waters kung saan parehong may maritime claims ang PH at China.

Nauna na ring pinagtibay ni Rubio ang ironclad commitments ng Amerika sa PH matapos siyang italaga ni US President Donald Trump.

Sa kasalukuyan, nasa Germany si DFA Sec. Manalo mula kahapon hanggang bukas, Pebrero 16 para sa ginaganap na 61st Munich Security Conference, ang nangungunang forum sa buong mundo kung saan pinagdedebatehan ang international security policy at isang venue para sa diplomatic initiatives para matugunan ang pandaigdigang urgent security concerns.