-- Advertisements --

VIGAN CITY – Malabo umano sa ngayon na labanan ni 8-division world champion Manny Pacquiao ang mananalo sa pagitan ng dalawang undefeated boxers na sina World Boxing Council welterweight champion Mikey Garcia at International Boxing Federation world welterweight champion Errol Spence Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Narvacan municipal councilor at dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson, sinabi nitong pinapalutang lamang ng mga taong nanggugulo ang Pacquiao-Garcia fight o Pacman-Spence unification showdown para hindi matuloy ang inaabangang Mayweather rematch.

Inihayag pa ni Singson, sa huling pag-uusap nila ng boxing senator, si Floyd Jr. ang kanilang konsentrasyon para matuloy na ang inaabangang bakbakan.

Pero kung ayaw talaga aniyang lumaban ng American future hall of famer boxer, doon na maghahanap ng ibang kalaban ang Pinoy ring icon.

Una rito, sinabi ni Buboy Fernandez na may apat na boksingerong pinagpipilian na makalaban ni Pacman kasama sina Spence, Keith Thurman at Danny Garcia.

Nakatakdang bumiyahe patungong Estados Unidos ang Pinoy champion para panoorin ang laban nina Garcia at Spence sa darating na Marso 17 na gagawin sa AT&T Stadium, Arlington, Texas.