VIGAN CITY – Tiwala ang ilang sugarol sa Amerika lalo na sa Las Vegas na tatalunin ni Sen. Manny Pacquiao si Keith Thurman sa nakatakdang laban nila sa darating na July 21 (Manila time).
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson na isa sa mga malapit na kaibigan ni Pacquiao, na kabisado na ng mga sugarol ang kakayahan ni Pacman kaya naniniwala silang magtatagumpay ito laban sa 30-year-old American boxer.
Ngunit may kaunting pangamba si Singson sa papalapit na laban ng Pinoy ring icon lalo’t mas matanda ito ng 10 taon.
Aniya, kung maibabalik lamang ng fighting senator ang dating liksi at bilis sa ibabaw ng ring, tiyak na mananalo ito tulad ng inaasahan ng karamihang boxing fans.
Kaugnay nito, pinayuhang muli ng dating gobernador ang kaniyang kaibigan na kung maaari ay tutukan nito ang kaniyang training at huwag munang isipin ang ilan sa kaniyang mga naiwang trabaho sa bansa.
Ito’y lalo pa’t tila nagkakagulo ang kanilang partido na Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan hinggil sa House Speakership race.