-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Nagdagdag ng augmentation force ang pulisya sa bayan ng Manaoag, Pangasinan para sa kanilang Oplan Semana Santa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Manaoag Police Station Deputy Chief of Police, Cpt. Manuel Garcia, inamin nito na kulang sila sa personnel kaya nagrequest na ang kanilang hanay ng dagdag na pwersa para sa pagbabantay sa mga deboto na magpupunta sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag maging sa pagmamando ng trapiko.

Ayon kay Garcia, wala naman silang binago sa traffic flow na ipapatupad sa kanilang bayan maliban na lamang sa mga kalsada na kadalasan dinadaanan ng mga biyahero patungong Maynila at Baguio.

Nilinaw naman nito na hindi nila pakikialaman ang parking fee na sisingilin ng mga parking boys sa kanilang bayan dahil hindi na nila ito sakop.

Pinayuhan naman ng opisyal na iwasan na lamang ang pagdadala ng sasakyan kung magpupunta sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag upang hindi na makadagdag pa sa pagbigat ng daloy ng trapiko sa lugar.