Kinumpirma ng Malacañang ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Police Col. Cezar Mancao bilang Executive Director V ng Cybercrime Investigation and Coordination Center ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kumpiyansa silang ang professional credentials ni Mancao ay makakapag-ambag sa laban ng bansa sa cybercrime.
Magugunitang si Mancao ay isa sa mga akusado sa pagpatay sa publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.
Ang kanyang co-accused sa Dacer-Corbito double murder case na si Sen. Panfilo “Ping” Lacson ay naabsuwelto sa kaso.
Sumuko si Mancao sa PNP noong Enero 2017 matapos ang pagtakas sa National Bureau of Investigation (NBI) noong 2013.