-- Advertisements --
mtrcb

Pinangunahan ni Sen. Robinhood C. Padilla ang hybrid meeting ng Committee on Public Information and Mass Media para suriin ang mandato ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Si Padilla, na mismong produkto ng entertainment industry, ay nagsabi na susubukan ng panel na ipaliwanag ang: una, ang pagpapalawak ng kapangyarihan ng MTRCB; pangalawa, ang mandato ng MTRCB na aprubahan, hindi aprubahan at tanggalin ang mga hindi kanais-nais na bahagi ng palabas; pangatlo, pagsasama ng video at online games at outdoor sa saklaw ng MTRCB; at ikaapat, ang pagsasama ng online streaming platforms at on-demand streaming services sa hurisdiksyon ng MTRCB.

Aniya. Layunin ng mga mambabatas na tiyaking malakas at mabisa ang kanilang paggabay para sa mga manonood, lalo na sa mga kabataan, mula sa mga palabas at audio-visual media sa anumang paraan, anyo at plataporma.

Iginiit pa nito na hindi naman daw sila laban sa malaya at malikhaing sining; sa halip, ang mga mambabatas aniya ay nasa panig ng matalinong pagsubaybay laban sa hindi katanggap-tanggap na media tulad ng nilalamang imoral, malaswa, o nagtataguyod ng mga paniniwala laban sa batas at moralidad ng lipunan.

Sinusuportahan naman ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. ang pagpapalawak sa mandato ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na panatilihing “angkop at tumpak” ang mga pelikula at palabas sa TV sa Pilipinas.

Hinggil sa mga panukalang pag-amyenda sa Presidential Decree No. 1986, sinabi ni Revilla na dapat patuloy na naaangkop ang MTRCB sa nagbabagong demand at trend ng industriya.

Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si MTRCB Chairperson Lala Sotto- Antonio kina Senators Francis “Tol” Tolentino, Grace Poe at Win Gatchalian sa paghahain ng magkahiwalay na panukalang batas na mag-aamyenda at magpapalawak sa mandato ng board.

Saad pa niya, tungkol sa video at online gaming, naniniwala ang MTRCB sa pangangailangang i-regulate ang video at online games upang maprotektahan ang kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan.

Dagdag pa ni Sotto, ang core mandate ng MTRCB ay makapaghatid ng value-based media entertainment sa bawat pamilyang Pilipino.

Aniya, pinamamahalaan lamang ng MTRCB ang rate at classify motion pictures, Television Programs, Trailers, Television program trailers at publicity materials kagaya ng mga posters na ginagamit sa pelikula.

Kaya naman, Kasabay ng pag-usbong ng teknolohiya, kinakailangan na rin aniya ng MTRCB na mapalawak ang sakop ng kanilang mandato para makasabay sa media and technology ngayon.

Naniniwala naman ang MTRCB na dapat nagbibigay sa publiko at bawat pamilyang Pilipino ng Filipino value-based na moralidad.