-- Advertisements --

MANILA – Patuloy na dini-dipensahan ng Department of Health (DOH) ang polisiya ng pamahalaan na mandatoryong pagsusuot ng face shield sa pampublikong lugar.

Ito ay sa gitna ng mga apela na dapat na alisina ng face shield requirement dahil wala umanong matibay na basehang epektibo itong pangontra sa COVID-19 infection.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may hiwalay na pag-aaral nang ginawa ang ilang local medical experts tungkol sa bisa ng faceshield.

Marami kasi ang kumukuwestyon sa naging basehan ng gobyerno noon nakaraang taon, na isang pag-aaral na ginawa sa India.

“This study has been published last year, a local study by Dr. Antonio Dans and Dr. Maya Herrera… pinag-aralan nila ang non-pharmaceutical interventions kung paano ito nakaka-protekta laban sa COVID-19.”

Nakasaad daw sa naturang pag-aaaral na 90% na protektado sa COVID-19 ang isang tao kapag nakasuot siya ng face mask at face shield.

Kapag nakasuot naman ng face mask at nakasunod sa 1 hanggang 2-metrong social distancing, may 94% hanggang 97% na proteksyon daw sa coronavirus.

Habang 99% umano ang proteksyon kung sabay-sabay na gagawin ang pagsusuot ng face mask at face shield, at didistansya ng higit sa isang metro.

“Ginagamit natin yan (study) bilang basehan sa mga protocols and guidelines natin.”

Una nang sinabi ng pediatric infectious disease specialist na si Dr. Benjamin Co na hindi “well-controlled study” ang research na ginawa sa India.

“Why do you even want to add another layer of useless material for people to use?,” ani Co sa artikulo ng Inquirer.net.

“Science evolves and we know more about the virus. I hope the (government) adjusts to the new science and evidence and not remain fixated with a policy in the pandemic,” dagdag ng eksperto.