Iminumungkahi ni Senador Raffy Tulfo sa Land Transportation Office (LTO), na i-require ang lahat ng mag-rerenew ng kanilang vehicle registration na personal na pumunta sa LTO branch at magsumite ng valid government IDs.
Binanggit na halimbawa ni Tulfo, chairman ng Senate Committee on Public Services ang sumbong sa kanyang tanggapan ukol sa isang Montero Sport na may plakang PEO-987 na ginamit sa pambubudol sa isang cancer patient noong June 10. Hanggang ngayon ay hindi pa rin natutukoy ang driver nito dahil napagpasa-pasahan na ang kotse at “open deed of sale” lamang ang naganap na proseso.
Dahil dito ay maghahain si Tulfo ng panukalang batas para i-require na sampung araw mula sa date of purchase ng sasakyan, dapat ay registered na ito sa LTO.
Kapag hindi naka-comply ang may-ari aniya ay mai-impound agad ang sasakyan.
Paliwanag ng mambabatas, ang ganitong regulasyon ay hindi na bago at naipapatupad na sa iba’t ibang states sa Amerika,
Dagdag pa ni Tulfo, maglalagay siya ng “anti-fixer” provision sa bill kung saan kapag may nahuling fixer sa isang LTO unit ay masisibak agad sa pwesto ang director na nakasasakop sa nasabing tanggapan sa 1st offense pa lamang.
Sa huli, nanawagan ang mambabatas sa lahat ng car owners na binili ng second hand ang kanilang mga sasakyan at hindi pa rin ito narerehistro sa kanilang pangalan na pumunta na sa pinakamalapit na tanggapan ng LTO para maipa-transfer ito sa nararapat na pangalan.