Sisimulan na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mandatoryong census sa buong populasyon ng bansa sa susunod na linggo.
Dito ay mangungulekta muli ang PSA ng mga datos at impormasyon ukol sa populasyon at para sa Community-Based Monitoring System (CBMS) ng ahensiya.
Para sa population census, ililista ang bilang ng mga household members para ma-update ang population count ng bansa.
Kailangan dito aniya ng accurate o tamang impormasyon.
Dito ay kailangang makipagtulungan at makibahagi ang publiko dahil kung hindi ay maaaring mapatawan ang mga ito ng multa na kinabibilangan ng isang taong pagkakakulong at penalty na hanggang P100,000.
Para naman sa CBMS, kokolektahin ang mga datos na magagamit sa pagpaplano at implementasyon ng mga proyekto ng pamahalaan sa local level.
Dito ay kakailanganin na ang consent ng mga mamamayan na makibahagi.
Hinikayat naman ni National Statistician Dennis Mapa ang publiko na makibahagi at sabihin lamang ang tamang impormasyon na hihingin ng enumerators.
Para matiyak na lehitimong census, ang mga enumerators ay nagsusuot ng uniporme na may PSA logo at may mga kaukulang ID.
Ang interview ay aabutin lamang ng 45 mins, at magtatanong ang mga ito ng pangalan, edad, lugar at uri ng trabaho sa bawat kabahayan.
Tiniyak din ni Mapa na ang pagtatanong at ang kabuuan ng census ay susunod sa itinatakda ng Data Privacy Act.
Samantala, naglaan ang pamahalaan ng P5.2 billion na pondo para rito kung saan idedeploy ang hanggang 70,000 enumerators para bisitahin ang humigit-kumulang 27 million household mula July 15 hanggang Sept. 15, 2024.
Batay sa huling census noong 2020, umaabot sa 109 million ang kabuuang populasyon ng Pilipinas.