-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Dismayado ang National Union of Students of the Philippines matapos na isa ang mandatory Reserve Officer Training Corps (ROTC) sa incoming college ang prayoridad na maipasa ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa ginanap na legislative council meeting.

Inihayag sa Bombo Radyo ni Ms. Jandiel Roperos na hindi pa panahon upang pagtuunan ng pansin ang nasabing panukala lalo na’t nahaharap sa krisis ang bansa.

Aniya, dagdag pasanin lamang ito ng mga magulang dahil mapapagastos sa uniporme ang mga estudyante na sasailalim sa training.

Malaki umano ang kakailanganing pondo ng pamahalaan upang maisakatuparan ang programa.

Dagdag pa ni Roperos, imbes na igiit ang programa ay bakit hindi na lamang iprayoridad ang mas kailangan ng mamamayan at bigyang solusyon ang inirererklamong pagtaas ng mga bilihin, matrikula at maraming iba pa.