Sinertipikahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent ang panukalang batas na naglalayong gawing mandatory ang Reserve Officers Training Corps sa senior high school (SHS) sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Ipinadala kaagad ng Pangulong Duterte kay Senate President Vicente Sotto III ang Mandatory ROTC bill para sa agarang pagpasa ng panukalang batas.
Ang naturang direktiba ay inilabas apat na araw bago ang pagtatapos ng 17th Congress sa Hunyo 7.
Saad sa dokumento mula sa Malacañang, ibabalik umano ng mandatory ROTC program ang basic military and leadership trainings para sa mga kabataan upang mapalakas pa ang kanilang pagkamakabayan.
Sa ilalim ng panukala, kailangan ang ROTC upang makapagtapos para sa lahat ng estudyante sa public and private high schools.
Exempted naman sa mandatory training ang mapapatunayang physically o psychologically unfit, maging ang mga atletang bahagi ng varsity team ng paaralan.