-- Advertisements --
ROTC
ROTC/ DLSAUROTC FB post

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nag-oobliga sa mga senior high school students na sumailalim sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).

Sinabi ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago na inaprubahan ng Kamara ang institutionalization ng mandatory ROTC sa Grades 11 hanggang 12 kahit walang Senior High School/K-12 implementation review, at walang status report o resolution sa malawakang kaso ng harassment, hazing at corruption ng naturang programa.

Nakasaad sa House Bill 8961 na magkakaroon ng mandatory ROTC program para sa mga mag-aaral na enrolled sa Grades 11 at 12 sa mga pampubliko at pribadong paaralan bilang requisite sa kanilang graduation.

Samantala, exempted naman sa mandatory ROTC ang mga physically o psychologically unfit na may sertipikasyon mula sa AFP Surgeon General o authorized medical officer.

Exempted din dito ang mga sumailalim sa kaparehas na military training, ang mga napili ng kanilang paaralan na magsilbi bilang varsity players, at mga may dahilan na aprubado ng Department of National Defense.