Suportado ni PNP chief PGen. Oscar Albayalde ang pag-revived muli sa mandatory ROTC para sa mga senior high schools.
Ito’y matapos sabihin ni Pang. Rodrigo Duterte na nais niya buhayin muli ang mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC).
Giit ni Albayalde na kagaya ng pagsuporta nila sa pagbuhay ng death penalty ay suportado rin nila ang pagtuturo ng basic military training sa mga estudyante.
Sa pamamagitan daw kasi nito ay mas nahihikayat na maging makabayan ang isang Pilipino at maging mapagmahal sa bansa.
Sinabi ni Albayalde, malaking tulong din ang ROTC para maging handa ang mga kabataan sakaling kakailanganin ng reserved force para tumugon sa anumang banta ng giyera at emergencies.
Nabatid na una nang inaprubahan ng House committee on basic education and culture ang panukalang naglalayong buhayin ang mandatory ROTC sa senior high school.
Kahapon, muling naging usap usapan ang ROTC matapos isama sa paksa ni Pangulong Duterte.