Ikinokonsidera ng ilang mga manggagawa, transport at socio-civic groups na maghain ng petisyon sa Supreme Court (SC) laban sa dalawang inisyung IATF resolutions na nagmamandato sa lahat ng on-site workers na magpabakuna kontra COVID-19 at regular na RT-PCR testing sa mga hindi pa bakunado sa sarili nilang gastos.
Ayon kay VJ Topacio ng Pro Labor Legal Assistance Center (PLACE), kasalukuyan na aniya silang komokonsulta sa ilang legal experts para sa paghahain ng legal remedies.
Posibleng hilingin aniya sa SC ang temporary restraining order (TRO) at writ of preliminary injunction para ipagpaliban ang implementasyon ng IATF resolutions gayundin para busisiin ang legality ng naturang resolutions sa pamamagitan ng petition for certiorari.
Kaugnay nito, nakatakdang makipagdayalogo ang grupo ng mga manggagawa at civic groups kay Labor Secretary Silvestre Bello III sa araw ng Lunes para hilingin ang deferment o pagpapaliban ng nakatakdang implementasyon ng IATF resolutions sa Disyembre 1.
Nagpaplano rin ang grupo na maglunsad ng nationwide protests sa Nobyembre 30 para busisiin ang anila’y punitive o parusa at unconstitutional na IATF resolutions.
Kapag hindi anila papakinggan ng pamahalaan ang kanilang panawagan saka iaakyat sa Korte Suprema ang naturang isyu.
Sa inisyung IATF Resolution No. 148-B noong Nov 12, nakasaad na lahat ng establishment at employers mula sa public at private sector ay kailangang i-require sa kanilang eligible on-site workers na magpabakuna kontra COVID-19.
Sa ilalim naman ng Resolution No. 149 na inisyu noong November 18, nakapaloob na ang mga on-site workers ay kailangang sumailalim sa RT-PCR testing ng at least isang beses kada dalawang linggo.