Ipinatupad na sa Quezon province ang mandatoryong pagsusuot ng face mask sa gitna ng naobserbahang pagsipa sa kaso ng COVID-19 at iba pang influenza-like illnesses sa lalawigan.
Ang naturang polisiya ay nakapaloob sa Executive Order DHT-60 na nilagdaan ni Gov. Angelina Tan.
Inisyu ng Gobernadora na isa ding medical doctor ang naturang direktiba para mapigilan ang pagdami pa ng dinadapuan ng naturang mga sakit sa lalawigan.
Sa ilalim ng naturang direktiba, minamandato ang pagsusuot ng face mask sa lahat ng indoor at outdoor settings kung saan walang physical distancing gaya ng mga ospital, clinics at mga pampublikong lugar.
Inihayag naman ng local chief executive na dapat mag-isolate ang mga indibidwal na nakakaranas ng flu-like symptoms gaya ng ubo, pananakit ng lalamunan at lagnat.
Nananatiling optional naman ang pagpapasuri sa mga hinihinalang kaso na mayroong mild na sintomas ng sakit.
Hindi naman nabanggit sa naturang EO kung hanggang kailan magtatagal ang ipinaiiral na mandatoryong pagsusuot ng face mask sa kanilang lalawigan.