Maaaring hindi na gawing mandatoryo pa ang pagsusuot ng facemask sa bansa tuwing nasa open areas sa pagsapit ng ikaapat na quarter ng taong 2022.
Sinabi ni National Task Force against COVID-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa, ito ay posibleng mangyari sa oras na makamit na ng bansa ang 90 porsyento o may katumbas na 90 milyon na mga Pilipino ang mababakunahan laban sa coronavirus disease sa pagsapit ng naturang bahagi ng taong ito.
Paliwanag niya, nadaragdagan pa kasi aniya ang bilang ng mga indibidwal na nagkakaroon ng antibody at proteksyon laban nasabing virus dahil sa mga gumaling dito at nakatanggap na ng kumpletong bakuna.
Aminado si Herbosa na bago pa man ito maipatupad ay may ilang mga factor pa rin ang kailangang ikonsidera ng pamahalaan tulad ng posibleng pag-usbong ng mga bagong variants ng COVID-19 at ang paghina ng immunity ng ilan ng dahil sa bakuna o impeksyon.
Samantala, binigyang diin naman ng medical adviser na dapat pa rin na mag-ingat ang lahat at patuloy pa rin na magsuot ng facemask lalo na sa mga enclosed spaces.
Target ng pamahalaan na makumpletong mabakunahan ang nasa 90 million Pilipino sa buwan ng Hunyo bago matapos ang termino ng Pangulong Rodrigo Duterte.