Tinawag ni Mandaue City Mayor Jonas Cortes na isang malaking hamong kinakaharap ang paghatol sa kanya ng Office of the Ombudsman na isang taong pagkasuspendi at walang bayad.
Ito’y may kaugnayan sa reklamong grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Nag-ugat ang kaso ng inakusahan si Cortes ng unlawful appointment matapos italaga nito si Camilo Basaca Jr. bilang City Social Welfare Services (CSWS) head noong July 2020.
Inihayag ni Mandaue City administrator Atty. Jamaal James Calipayan na patuloy pa ring magsisilbing alkalde si Cortes habang wala pang natatanggap na petsa ng implementasyon ng suspension.
Ayon kay Atty. Calipayan na hindi ito kaso ng katiwalian kundi isang paraan lamang para pagsilbihan ang mga nasasakupan kaya pansamantalang itinalaga si Basaca sa naturang posisyon dahil nagtiwala ang alkalde sa kakayahan nito.
Ito pa umano ang unang pagkakataon na nakatanggap ng suspension order si Cortes at plano naman nito na maghain ng motion for reconsideration sa Court of Appeals.
Samantala, tiniyak naman ng opisyal na sa kabila ng hamon na kinakaharap, hindi pa aniya ito kinatatakutan at hindi rin mawawala ang kanyang pagmamahal at dedikasyon para sa mga residente ng lungsod.
Gagawin din aniya nito ang lahat ng legal na paraan upang makamit ang hustisya at maipagpatuloy ang pagbibigay-serbisyo.