CEBU CITY – Tatlong anggulo ang tinitingnan ng Mandaue City police sa kanilang imbestigasyon sa pananambang sa abogadong si Karen Quiñanola-Gonzales, at anak nito, noong Huwebes ng gabi, Setyembre 1, sa Barangay Tipolo, Mandaue City.
Sinabi ni Lt. Col. Franc Oriol, deputy director for operations ng Mandaue City Police Office, na ikinokonsidera nila ang trabaho ng biktima bilang manager, business marketing and development department ng Cebu Port Authority, ang mga posibleng kaso na hinahawakan niya sa ilalim ng legal na proteksyon, at personal na sama ng loob bilang posibleng dahilan ng pananambang.
Samantala, kinondena ng iba’t ibang grupo at indibidwal ang pag-ambush kay Quiñanola-Gonzales.
Nabatid na tinambangan si Quiñanola-Gonzales ng mga hindi pa nakikilalang salarin sakay ng isang motorsiklo noong Huwebes ng gabi, Setyembre 1, 2022, habang binabagtas ang Hernan Cortes Street sa Mandaue City kung saan kasama niya ang kanyang anak sa sasakyan.
Parehong nasugatan sa pamamaril ang mga biktima kung saan tinamaan ang abogado sa kanyang batok at natamaan sa likod ang kanyang anak.
Sa latest medical update ng dalawa ay pareho itong nasa stable na kondisyon habang inooperahan.