CENTRAL MINDANAO – Sobra-sobra na umano ang tulong at hindi nagkukulang ang provincial government at mga LGUs sa pamamahagi ng ayuda sa mga biktima ng lindol.
Ito ang tiniyak ni Cotabato acting Governor Emmylou ”Lala” Mendoza.
May ilang nanghihingi ng tulong na sinasamantala na ang pagkakataon.
Nang mag-imbestiga ang pulisya sa mga “namamalimos” ng tulong kagaya ng bigas, tubig at iba pa sa national highway sa bayan ng Makilala, kung tutuusin sobra-sobra na raw ang tulong na kanilang natatanggap.
Inusisa ng mga otoridad ang kanilang mga evacuation center kung saan doon ay tumambad ang animo’y nag-iimbak sila ng sobra-sobrang pagkain at tubig.
Dahil dito, bawal na rin na mamigay ng tulong sa national highway at kailangan na anyang dumaan sa Command Center sa bawat bayan at siyudad para maayos ang pamamahagi ng tulong sa dapat tumanggap ng tulong.
May mga pulis at sundalo na ang direktang magbabantay sa mga evacuation center at mga kalsada.
Nilinaw ng gobernadora napakadelikado kasi sa national highway na mag-abot ng tulong sa mga bakwit dahil ilan sa kanila ay nadidisgrasya, gayundin nagdudulot ng traffic at banggaan ng mga sasakyan.