-- Advertisements --

ROXAS CITY – Patuloy na pinaghahanap ngayon ang boat captain ng fishing vessel na Prince Jay matapos mahulog ito kasabay ng pagtama ng kidlat habang naglalayag sa laot na sakup ng Barangay Culasi, Roxas City.

Kinilala ang boat captain na si Ricky Boy Barredo, dalawamput tatlong taong gulang at residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Senior Chief Petty Officer Arnel Nisola, Deputy for Operation ng Philippine Coast Guard Capiz, sinabi nito alas tres ng hapon, Setyembre 15 nagpalayag sa laot ang bangka sakay ang 4 na indibidwal kasama na si Barredo at 3 crew kun saan dalawa ang menor de edad.

Bumuhos naman ang malakas na ulan mga alas 5 na nang hapon na may kasamang malakas na pagkulog at kidlat.

Sa pahayag ng kasamahan ni Barredo, pabalik na ang bangka ng biglang itong tinamaan ng kidlat dahilan para mahulog ang kapitan at magtamo ng sugat ang isang menor de edad.

Nagtulong-tulong naman ang mga kasamahang mangingisda ni Barredo at ang PCG Capiz sa paghahanap subalit bigo ang mga ito.

Sa ngayon, ginagamot na sa ospital ang menor de edad habang nagpapatuloy naman ang search and rescue operation sa nawawalang kapitan.