LEGAZPI CITY – Ligtas na nasagip ang isang mangingisda mula sa Northern Samar na nakitang palutang-lutang sa Albay Gulf matapos na tumaob ang bangkang sinasaksakyan.
Kwento ng mangingisdang si Arnold Tamayo, 44-anyos, mula Marso 22, araw ng Lunes apat na araw na siyang nakakapit sa bangkang tumaob sa dagat dahil sa malalaking alon.
Tanging tubig lamang ang iniinom bilang panawid-gutom kaya’t labis ang pasasalamat nang ma-rescue ng mangingisdang si Christian Alamer na residente ng Brgy. Malobago, Rapu-Rapu, Albay.
Ayon kay Punong Barangay Reynold Asuncion sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nanghihina na rin si Tamayo nang madala sa kanilang barangay subalit wala namang sugat na tinamo.
Pinakain na muna ito ng barangay at binigyan ng mga damit bago dinala sa pangangalaga ng Rapu-Rapu MDRRMO upang mabigyan ng psychosocial intervention.
Sa ngayon, nakipag-ugnayan na rin ang pamilya ni Tamayo sa kanila upang makauwi na ito sa lugar sa Brgy. Monbon sa Palapag.
Samantala, nakuha rin ng isang residente sa Brgy. Poblacion, Barcelona, Sorsogon ang bangka ni Tamayo.