-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Desidido ang mangingisda na mabawi ang kanyang investment sa Kabus Padatuon (KAPA) Community Ministry International Inc.

Ito ay matapos na pinapasara na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing investment scam.

Dumulog mismo sa Bombo Radyo GenSan ang nasabing mangingisda, na taga-Brgy Bula nitong lungsod, upang humingi ng tulong sa pagpunta naman sa tanggapan ng National Bureau of Investigation- Sarangani District Office (NBI-SarDO).

Sinabi ng naturang mangingisda na nasa P50,000 ang kanyang ipinasok na pera sa KAPA.

Aniya, P20,000 dito ay nakapangalan daw sa kanya, P20,000 din sa kanyang misis, at P10,000 naman sa kanilang mga anak.

Apat na beses na raw siyang nakapag-payout ng P6,000 kada buwan gayundin ang kanyang asawa.

Subalit “pinatulog” umano nila ang P10,000 na investment ng kanyang anak, na inaasahan sana nilang tutubo ng malaki pagdating ng Disyembre.