-- Advertisements --

ROXAS CITY – Ligtas nang nakabalik sa kanyang pamilya sa Barangay Culasi, Roxas City ang isang mangingisda matapos tumaob ang bangka sa gitna ng laot.

Kinilala ang biktima na si Dante Balugal, 40-anyos, residente ng Sityo Luyo, Barangay Culasi, Roxas City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Balugal, sinabi nito na maghahatid siya ng gasolina sa isang bangka sa laot nang biglang umulan ng malakas sabay hampas ng malaking alon na naging dahilan ng pagtaob ng kanyang bangka.

Ngunit ayon sa biktima, bago ang paghampas ng malaking alon ay may nakita itong ipo ipo sa isang bahagi ng karagatan na malapit sa kanyang bangka.

Tinangka pa nitong bumalik, ngunit biglang naramdaman ang malakas na hangin sabay ang malaking alon na nagpataob sa kanyang bangka.

Nagpalutang-lutang si Balugal sa loob ng tatlong oras, bago may nakakita sa kanyang bangka na siyang tumulong sa kanya.

Napag-alaman na itinali ng biktima ang beywang sa tumaob na bangka gamit ang lubid para hindi ito madala ng malakas na alon.