LEGAZPI CITY – Naisalba sa panganib ang isang mangingisda matapos na tumaob ang bangkang sinasakyan sa karagatang sakop ng Masbate at Almargo, Samar.
Kinilala itong si Vicente Tulod na residente ng Buena Suerte, Pio V. Corpuz, Masbate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PO1 Eric Geronga, substation commander ng PCG Matnog, nabatid na bumiyahe ang mangingisda mula sa Sto. Nino, Samar lulan ng maliit na motorized banca pauwi sa kanilang bahay.
Subalit sa kalagitnaan ng biyahe, nakasagupa nito ang malalaking alon na nagpataob sa bangka.
Inabot pa ng 24 oras na nasa ibabaw lamang ito ng bangka at naghihintay ng magrerescue kaya’t malaking pasasalamat na dumaan ang isang barko na sumagip dito.
Binigyan rin ng pamalit ang mangingisda at pinakain bago itinurn-over sa PCG Matnog.
Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang PCG Matnog sa pamilya ng mangingisda upang makauwi na rin ito.