-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nasa kostudiya na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Caraga ang juvenile Philippine Eagle na nahuli ng isang mangingisda na taga-Purok 1, Brgy. Masao nitong lungsod ng Butuan.

Ayon kay Masao Brgy. Kagawad Felix Lariba, tumuntong sa fishpen ng mangingisdang si Dabby Boy Manilao ang nasabing agila na nangunguha ng isdang makakain.

Hindi umano ito pumalag nang dakpin at halatang nanghihina na kung kaya’t kaagad nila itong ipinagbigay-alam sa DENR-Caraga.

Kaagad namang rumisponde ang naturang ahensya at nagpasalamat kay Manilao sa pag-rescue nito sa nasabing agila.

Kaugnay nito ay hinikayat ng DENR-Caraga ang publiko na pamarisan si Manilao sa oras na may makita ring agila o iba pang mga endangered species.

Samantala, tiniyak naman ng kagawaran na kanilang ibabalik kaagad sa kanyang natural habitat ang nasabing agila sa oras na bumalik na ang lakas nito.