-- Advertisements --

ROXAS CITY – Patay ang isang mangingisda matapos binaril ng kapareho nitong mangingisda habang namamalaot sa dagat na sakop ng bayan ng Pilar, Capiz.

Kinilala ang biktima na si Rommel Francisco, 26 anyos, residente ng Barangay Natividad ng naturang bayan.

Base sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo mula sa Pilar Municipal Police Station, pumapalaot ang biktima kasama si Sonny Garcia, 50 anyos nang nilapitan sila ng suspek na si Rodrigo Flores, 44 anyos ng Barangay Guinticgan, Carles, Iloilo na sakay rin sa isang bangka.

Bigla na lamang umanong inilabas ng suspek ang kaniyang baril at binaril si Francisco na tinamaan sa gilid ng kaniyang katawan.

Tinangka pang barilin ng suspek si Garcia ngunit tumalon ito sa dagat.

Dinala pa sa ospital si Francisco ngunit idineklarang dead on arrival.