-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang mangingisda matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek sa Barangay 8, Poblacion, General Luna, Quezon province.

Kinilala ang biktima na si Eduardo Platino, 49-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa impormasyon nakalap ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang naghahanda sa pagpapalaot ang biktima nang bigla na lamang umano itong pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek.

Dahil sa insidente, nagtamo ng seryosong tama sa kaniyang katawan ang biktima dahilan nang agaran nitong kamatayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nakasuot ng jacket at bonnet ang suspek.

Samantala, narekober sa lugar ang apat na bala ng cal .45 pistol.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang posibleng pagkakakilanlan sa nasabing suspek.