TUGUEGARAO CITY-Patay na nang matagpuan ang isang mangingisda matapos mahulog at malunod sa sinakyang bangka na tumaob dahil sa lakas ng alon sa karagatang sakop ng Batanes.
Kinilala ang nasawi na si Tito Eduardo Alueta, 50-anyos, residente ng Basco.
Ayon kay Coast Guard Chief Pettty Officer Cydney Sagario, chief master ng PCG- Batanes na dakong alas 7:00 ng umaga kahapon, Jan 13 nang tumaob ang isa sa dalawang fishing boat na pumalaot lulan ang walong katao upang mangisda sa timog-kanluran ng Dinem island.
Matapos matanggap ang ulat ay agad namang nakipag-ugnayan ang PCG-Batanes sa M/B Ocean Spirit na malapit sa lugar upang magsagawa ng rescue operation sa tumaob na bangka.
Nagtamo ng mga sugat sa kanyang ulo na posibleng tumama sa mga bato o matigas na bagay mula sa mababaw na bahagi ng dagat ang biktima.
Nailigtas naman ang pitong iba pang mangingisda na nakauwi na sa kani-kanilang pamilya habang nasa Basco port na rin ang bangkang tumaob na nagkaroon ng sira sa likurang bahagi nito.
Sinabi ni Sagario na bagamat naranasan ang sunod-sunod na malalakas na alon sa naturang isla na dahilan ng pagtaob ng bangka ay wala namang nakataas na gale warning sa naturang lugar.