LAOAG CITY – Umabot sa mahigit siyam na oras na nanatili sa gitna ng dagat ang isang mangingisda na taga Pagudpud, Ilocos Norte.
Nakilala ito na si Sadiri Claro, 60-anyos, residente sa Barangay Saud sa bayan ng Pagudpud.
Ayon kay Police Executive Master Seargent Diomedes M. Ancheta, Deputy Chief of Police sa bayan ng Bangui, pumalaot si Claro noong Martes ng gabi, Pebrero 4 ngayong taon.
Subalit habang nasa gitna umano ng dagat si Claro ay sinalubong ito ng malakas na hangin at alon kaya nabitawan ang sagwan nito.
Dahil wala nang sagwan si Claro ay kamay na lamang nito ang kanyang ginamit kaya natagalan bago nakarating sa dalampasigan kung saan nakarating ito sa Barangay Tagipuro sa bayan ng Bangui dito rin sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Sinabi ni Ancheta na noong makita nila si Claro ay nanghihina ito dahil sa posibleng sobrang pagod at puyat nito.