KALIBO, Aklan — Matapos masira ang makina ng sinasakyang bangka, at halos pitong araw na nagpalutang-lutang sa laot sa gitna ng masamang panahon, nailigtas ng kapwa mangingisda ang 24-anyos na binata sa bahagi ng Tubbataha Reef sa kalagitnaan ng Sulu sea malapit sa Puerto Princesa City, Palawan nitong Disyembre 25, araw ng Pasko.
Ayon kay Petty Officer 2nd class Nikki Mark Agustin, PCG Sub-Station Commander, Coast Guard Sub-Station Buruanga, sa tulong ng PCG Palawan, iniuwi na sa kanyang tiyahin sa Tagusao Quezon Palawan at nasa mabuting kalagayan ang mangingisdang si Romuel Prado, 24 anyos, residente ng Buruanga, Aklan.
Disyembre 18 ng magpalaot ang binata subalit nasira umano ang kanyang bangka dahilan na nahirapang makabalik sa dalampasigan.
Upang mabuhay, kinakain umano niya ng buhay ang mga huling isda at sinasahod ang tubig-ulan para may mainom na tubig.
Dakong 9:45 ng umaga ng Disyembre 25 nang sinakluluhan siya ng napadaang tugboat at hinila ang kanyang bangka patungong dalampasigan.
Kinaumagahan ay dinala siya sa tanggapan ng PCG- Rio Tuba Palawan.
Sa kasalukuyan ay hinihintay ng kanyang pamilya ang pag-uwi nito sa Aklan.