LEGAZPI CITY – Nakipag-ugnayan na ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng San Pascual, Masbate sa lalawigan ng Romblon matapos ang pagkaka rescue ng isang mangingisda sa kasagsagan ng sama ng panahon dahil sa Bagyong Hanna.
Kinilala ang mangingisda na si Vernald Monte, 29-anyos na kasalukuyang nasa pangangalagan ng Brgy. Mabuhay kung saan ito natagpuan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay San Pascual MDRRMO head Victor Patropez, nasa mabuting kalagayan na ang biktima na napadpad sa Burias Island matapos magkaroon ng technical problem ang bangka.
Tinangay ito ng malakas na alon ng karagatan sa Masbate na nakita ng kapwa mangingisda sa lalawigan.
Nabatid na 12 oras na itong nagpapalutang-lutang sa karagatan.
Sa kasalukuyan ay hinihintay na lang na bumuti ang lagay ng karagatan at pagbaba ng nakabanderang gale warning upang makabalik na si Monte sa naiwang pamilya sa Romblon.