-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inaasahang makakauwi na sa pamilya ang isang mangingisda matapos masagip ng isang foreign vessel sa karagatang parte ng Bangui, Ilocos Norte.

Ayon kay Commander Laurel Paul Mariano ng Philippine Coast Guard sa lalawigan, isang MV Unico Stella ang sumagip sa mangingisda na si Jimmy Garalde ng Brgy. Ablan, Burgos, Ilocos Norte matapos tumaob ang bangka nito.

Aniya, blessing in disguise ang pagkakasagip sa kanya dahil may isang Filipino crew ang nakasakay sa barko na kanilalang si Mr. Anthony Espinosa, nagsisilbing third engineer ng nasabing barko.

Sinabi ni Mariano na napagdesisyonang dadalhin si Garalde sa San Fernando La Union dahil malalakas ang alon sa karagatan ng Ilocos Norte kahapon.

Sa ngayon, ay nakarating na si Mariano sa La Union upang kunin si Garalde para iuwi sa kanyang pamilya sa bayan ng Burgos.

Ngunit dahil sa mga ipinapatupad na health protocols ay idadaan muna sa swab test ang mangingisda matapos tinulongan ng Filipino crew ng foreign vessel.

Naging maayos naman ang kalagayan ng mangingisda na si Garalde at nagtamo lamang ng kunting sugat sa kanyang paa.