CAUAYAN CITY – Ibabalik sa mental hospital sa Baguio City ang magsasakang dinakip ng mga otoridad matapos i-hostage ang kanyang mga anak sa Buliwao, Quezon Nueva Vizcaya.
Ang ibabalik sa mental hospital ay si Migo Tiago, 40, may-asawa, magsasaka at residente ng nabanggit na lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cpt Angelo Dasalia, hepe ng Quezon Police Station, sinabi nitong nagsumbong sa kanilang himpilan ang misis ni Tiago dahil sa pananakit nito sa kanya.
Agad tumugon ang mga otoridad at inakyat ang bahay ng suspek.
Nang makita ni Tiago ang mga pulis na paakyat na sa kanilang bahay ay naging agresibo ito at kinuha ang isang anak saka tinutukan ng itak.
Nang makakuha ng pagkakataon ay binaril ni S/Sg Malcon Tul-o ang kamay ni Tiago kaya nabitiwan ang hawak na itak.
Dahil dito, kanilang naaresto si Tiago.
Samantala, dinismis ni provincial prosecutor Atty. Emerson Turingan ang kasong isinampa laban kay Tiago at inirekomendang dalhin siya sa mental hospital para magamot.
Ito ay matapos na matukoy na mayroong problema sa pag-iisip ang naturang suspek.
Sinabi naman ni Tiago na nagawa niyang i-hostage ang kanyang anak dahil sa iba’t ibang boses na bumubulong sa kanya.