Inamin ni Maguindanao second district Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu na naghahanda pa rin sila kahit buo ang kumpyansang madidiin ang mga akusado sa Maguindanao massacre na nangyari noong 2009.
Matatandaang itinuturing ang naturang pangyayari na pinakakarumaldumal na krimen sa panahong iyon, bago ang halalan at pinakamatinding pag-atake sa hanay ng media.
Umabot kasi sa 58 ang nasawi, kung saan ilan sa mga kababaihang pinatay ay sinalaula pa at nasa 32 naman ang mga mamahayag.
Pumalo sa 197 ang naging akusado sa kaso, pero 111 lang ang naaresto at nalitis.
Nakatapagharap ang prosekusyon ng 147 testigo, habang mayroong 300 naman ang panig ng depensa.
Para kay Mangudadatu, tiwala sila sa bigat ng mga ebidensya at testimonya ng mga naisalang nilang testigo.
Gayunman, hindi nila inaalis sa isipan na may ilang pagkakataon na napaburan ng korte ang mga akusado sa mga hirit na furlough, habang nililitis ang kaso.
Samantala, halo-halo umanong emosyon ang nararamdaman ngayon ng mga naulilang pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre kaugnay sa nalalapit na pagpapalabas ng desisyon ng desisyon sa kontrobersiyal na kaso.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Emily Lopez, presidente ng Justice Now Movement, labis nila itong ikinagalak dahil matapos ang 10 taon ay ganap nang mapapanagot ng korte ang mga sangkot sa karumal-dumal na krimen.