-- Advertisements --

Nagpapatuloy ang manhunt operations para sa kapatid ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo na si Wesley Guo ayon sa Bureau of Immigration.

Ayon kay BI Fugitive Search Unit chief Rendel Ryan Sy, sinusubukan pa nilang tuntunin ang kinaroroonan ni Wesley Guo.

Base din aniya sa kanilang impormasyon, nakaalis na ng Batam, Indonesia si Wesley at napaulat na nasa special administrative region ng China na Hong Kong.

Kung matatandaan, nauna ng ipinag-utos ng Senado ang pag-aresto kay Wesley dahil sa hindi pagdalo sa mga pagdinig kaugnay sa mga ilegal na aktibidad ng sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa kabila pa ng mga inisyung notice.

Ipinarating din ng abogado ni Wesley na si Atty. Stephen David na nais na ring sumuko ng kaniyang kliyente nang makausap niya ito sa phone noong Miyerkules, Setyembre 5, araw na naaresto din ang kaniyang kapatid na si Alice Guo sa Indonesia.