Pinag-ibayo ngayon ang manhunt operations ng mga tauhan ng La Union Provincial Mobile Forces Company, SWAT teams lalo na sa mga magkakatabing bayan sa Balaoan, La Union.
Partikular na tinukoy ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na ang sentro ng mga operasyon ay mga bayan ng Bacnotan, San Juan, Luna, Sudipen at Santol.
Ayon kay PNP chief, layunin nitong mahanap ang mga suspek kapag hindi pa sila nakalalayo sa lugar.
Inihayag naman ni Chief Supt. Romulo Sapitula, regional police director ng Region 1 sa Ilocos region, na iniutos na niya sa lahat ng kanilang pwersa para tugisin ang mga salarin at para sa agarang pagresolba sa kaso.
Una rito, dead on arrival sa Balaoan District Hospital sina Vice-Mayor Alfred Concepcion at isa niyang tauhan na si Michael Ulep.
Sugatan din ang iba pa nilang mga tauhan na sina Roderick Urpiano, Ronniel Valdez, Joey Lopez, Dominador Bautista at Roberto Octavo.
Samantala, nabawi na rin ang Toyota Rav 4 na sinasabing ginamit na get away vehicle ng mga supek sa bayan ng San Juan, La Union.
Tinitingnan din kung may kaugnayan ang ambush sa nangyari ring pananambang kay Mayor Alexander Boquing ng Sudipen, La Union na nangyari naman sa katabing bayan ng Bangar, La Union.