NAGA CITY – Malawakan na ang isinasagawang manhunt operation ng mga awtoridad laban sa suspek ng tinaguriang Tarusanan massacre sa Milaor, Camarines Sur.
Ito’y matapos atasan na ni PNP Chief General Guillermo Eleazar ang Police Regional Office Region 5 (PRO-5) para sa agarang pagtunton sa suspek na kinilalang si Arthur De Leon.
Mababatid na nasawi sa krimen ang limang magkakaanak matapos pagbabarilin at pasabugan sa nasabing lugar.
Kinilala ang mga namatay na sina Romeo De Leon, 72, Samuel Cobilla, 21 gayundin ang tatlo pang menor de edad habang sugatan naman ang isa pang menor de edad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Cpl. Rosalinda Moises, hepe ng Milaor Municipal Police Station, sinabi nito na nasa loob ng kanilang mga bahay ang mga biktima nang dumating ang suspek na kinilalang si Arthur De Leon habang armado ng M16 Rifle.
Aniya, unang pinasok at walang habas na pinagbabaril ni Arthur ang bahay ng pamilya De Leon at sinunod nito ang bahay ng pamilya Cobilla kung saan hinagisan pa ito ng granada ng salarin.
Kaugnay nito, dead on the spot sa karumal-dumal na krimen si Romeo at Samuel habang agad namang dinala sa ospital ang apat na menor de edad na kalauna’y binawian din ng buhay ang tatlo sa mga ito.
Dagdag pa nito, alitan umano sa lupa ang tinitingnang motibo ng suspek sa nasabing insidente.
Samantala, ayon naman kay Kapitan Brando De Leon, noong Disyembre 2020, una nang nagkairingan ang pamilya ng salarin at ang pamilya De Leon sa dahil sa kaparehong dahilan.