“All set” na ang ilulunsad na manhunt operations ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga convicts na napalaya dahil Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Kinumpirma ni PNP Spokesperson BGen Bernard Banac na simula sa Biyernes, Setyembre 20 ay mag-uumpisa ang kanilang operasyon matapos ang itinakdang deadline ng Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Sinabi ni Banac, naghihintay na lamang sila sa revised lists na ibibigay ng Department of Justice (DOJ).
Bukod sa sumuko sa PNP, karamihan sa mga convicts ang direktang sumuko sa Bureau of Corrections (BuCor).
Giit ni Banac, ilulunsad nila ang manhunt operations kahit walang inilaang pabuya.
Pero aniya, malaking tulong ang reward para maengganyo ang mga indibidwal na magbigay ng impomasyon.
Tiniyak naman ng PNP na gagawin nila ang lahat para mahuli ang mga preso.
Giit ni Banac, paiiralin pa rin ng mga tracker teams ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang paggalang sa human rights sa gagawin nilang pag-aresto sa mga convicts.
“We believe that through swift and relentless arrests, we can convince and expedite the surrender of more freed convicts,” wika ni Banac.
Kahit tapos na ang palugit na itinakda ng Pangulo para sa mga preso, maaari pa rin naman silang sumuko.