Iniulat ng Malakanyang na pinalawak pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang manhunt operations laban sa puganteng si Pastor Apollo Quiboloy at maging sa mga kapwa-akusado nito na nahaharap sa kasong sexual at child trafficking.
Ito ay batay sa impormasyon na ipinarating ng PNP sa Palasyo.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na hindi lamang sa Davao region nakatutok ang kanilang manhunt operations.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa National Bureau of Investigation (NBI) sa pagtugis sa puganteng Pastor.
“Sa ngayon po ay hindi na lamang po limited sa Davao Region iyong ginagawa po nating paghahanap. Even dito sa Metro Manila and other areas are also [covered]. Information are also being validated to confirm the possible location of not only Pastor Quiboloy, but with other accused as well,” pahayag ni Col. Fajardo.
Binigyang-diin ni Fajardo na on-track ang PNP sa kanilang manhunt operation.
Magugunita na binawi na ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil nuong April 16,2024 ang gun permit ni Quiboloy.
Binigyan naman ng taning ng PNP si Quiboloy ng anim na buwan na isuko ang mga armas nito batay sa nakasaad sa ilalim ng Republic Act 10591, or the Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon kay Fajardo na mahaharap sa kaukulang aksiyon si Quiboloy kapag hindi nito isinuko ang kaniyang mga armas.
Dagdag pa ng opisyal na pending ng kanilang inihaing Motion for Reconsideration ang mga nasabing baril ay hindi na lisensiyado at itinuturing ng loose firearms at subject na ito sa police operation.
Una ng inihayag ng Department of Justice (DOJ) na nasa bansa pa rin si Quiboloy.