Magpapatuloy pa rin ang transport group na Manibela sa kanilang ipinaglalaban na pagtanggi na sumali sa konsolidasyon kung saan kinakailangan naman sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, babyahe pa rin sila kahit na may mga banta dahil alam naman nila na hindi sila colorum. Binigyang diin ni Valbuena na may mga prankisa sila.
Hindi umano katwiran na dahil hindi sila nag consolidate ay hindi na sila pwede bumiyahe at irerevoke na ang kanilang prankisa.
Paulit-ulit na hiniling ng mga transport group sa Supreme Court (SC) na maglabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa PUVMP.
Gayunpaman, ang korte ay hindi nagbigay ng TRO kundi pinayagan ang Department of Transportation at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na ituloy ang pagpapatupad ng programa matapos ang deadline ng konsolidasyon noong Abril 30.