Dumipensa ang lider ng Transport Group na MANIBELA na si Mar Valbuena hinggil sa naging rekomendasyon ng ilang state prosecutors na sampahan siya ng cyberlibel case.
Kasunod ito ng inilabas na 17-pahinang resolusyon ni Assistant Prosecutor Maria Kristina Paat-Salumbides kung saan nakasaad rekomendasyon sa pagsasampa ng kaso laban kay Valbuena kaugnayan sa two counts of violation sa Article 355, in relation to Article 353 ng Revised Penal Code, in further relation to Section 4(c)4 ng RA 10175 o ang Cyber Crime Prevention Act.
Ito ay matapos ang ginawang pagsisiwalat ng dating opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board Senior Executive Assistant Jeffrey Tumbado hinggil sa umano’y mga anomalya sa loob ng ahensya.
Kaugnay sa isyung ito ay naglabas ng pahayag si Valbuena sa social media kung saan inakusahan niya ng umano’y korapsyon si Department of Transportation Secretary Jaime Bautista.
Ayon sa naturang lider ng grupong MANIBELA, ang kaniyang mga naging pahayag ay “genuine expression of opinion” lamang at “protected speech” na naka-address aniya sa isang public figure at officer.
Ngunit sabi ng Department of Justice, ang mga pahayag na ito ni Valbuena ay maituturing na libelous nang dahil sa pagiging malisyoso nito na nagdudulot naman ng kahihiyan, at kasiraan sa kaniyang pinararatangan.
Samantala, sa kabilang banda naman ay ibinasura ng piskalya ang mga kasong inihain laban kay Valbuena na may kaugnayan sa grave threat sapagkat hindi naman anila pagbabanta laban kay Bautista ang kaniyang naging pahayag.