Naghahanda at nag-uusap-usap na raw ang mga miyembro ng transport group na Manibela para sa isasagawang kilos-protesta ng kanilang grupo sa April 15 at April 30 upang ipakita ang kanilang pag-kontra sa PUV modernization program.
Naniniwala si Manibela Chairman Mar Valbuena na ang gagawin nilang kilos-protesta ay mas mas malaki, mas malawak, at mas maraming sasama dahil mas marami na umano ang nagising na ang kamalayan sa itinuturing nilang bulok na programa ng PUV modernization.
Dagdag pa ni Valbuena, panahon na raw muli para bumalik sila sa kalsada dahil lahat umano ng korte ay hindi sila pinakinggan.
Matatandaan na naghain ng temporary restraining order ang iba’t ibang transport groups sa Korte Suprema laban sa PUV modernization program.
Ibinunyag din ni Valbuena na marami raw sa mga nagpa-consolidate ang nag-withdraw na kaya kampante umano ang kanilang grupo na mas marami ang sasama sa gagawin nilang protesta.
Ang panawagan nila ay ibalik ang 5 years validity ng kanilang prangkisa at dapat umanong irespeto ng gobyerno ang mga ayaw magpa-consolidate o maging miyembro ng kooperatiba.
Kung magugunita, inextend ang dating deadline ng consolidation noong December 30, 2023 at naging April 30, 2024.
Ayon sa Department of Transportation, ito na raw ang huling extension at lahat ng hindi nakapag-consolidate pagkatapos ng itinakdang deadline ay ituturing ng colorum.