Nagpatuloy pa rin at hindi inalintana ng nasa mahigit 100 mga paring katoliko sa ilalim ng Manila Archdiocese ang pabago-bagong klima ng panahon sa kanilang isinagawang “penitential walk” ngayong araw.
Ito ay para ipanalangin ang mga botante sa pagpili ng mga susunod na mamumuno sa bansa at para na rin sa isang mapayapang halalan sa darating na Mayo 9.
Layunin din ng naturang alay-lakad na markahan ang ika-150 anibersaryo ng pagiging martir ng tatlong pari na sina Mariano Gomez, José Burgos at Jacinto Zamora, na kilala din bilang GomBurZa.
Sinimulan ito sa isang misa na ginanap sa Manila Cathedral sa pangunguna ni Cardinal Jose Advincula na sinundan naman ng penitential walk mula sa katedral sa Intramuros hanggang sa GomBurZa memorial marker sa Luneta Park, at pagkatapos ay nagpapatuloy ito sa Shrine of Nuestra Señora de Guia sa Ermita sa lungsod ng Maynila.
Sa kasagsagan ng naturang alay-lakad ay may nakasunod na ambulasyon sa mga paring nagpe-penitensya upang magbigay ng paunang lunas kung sakaling magkaroon man ng mga hindi inaasahang pangyayari dito.
Nagkalat din ang mga tropa ng pulisya upang magbantay at magpatupad ng kaayusan at kapayapaan sa trapiko lalo na sa mga kalsadang dinaan ng mga paring nakiisa sa nasabing aktibidad.
Sa Luneta Park unang tumigil ang mga pari kung saan ay nag-alay ang mga ito ng bulaklak, ipananalangin at inalala ang GomBurZa at para ipanawagan sa mga botante na ang isang makadiyos kaya makabayan na kandito ang piliin para sa darating na halalan.
Pagkatapos niyan dumiretso na ang mga ito sa Shrine of Nuestra Señora de Guia sa Ermita upang ipagpatuloy ang naturang aktibidad na tinapos naman ng mga ito sa pamamagitan ng isang panalangin.