Magdaraos ng prayer vigil ang Archdiocese of Manila para sa agarang paggaling ni Pope Francis bukas, araw ng Biyernes, Pebrero 21.
Kaugnay nito, inanyayahan ng Archdiocese ang publiko na makiisa sa isasagawang prayer vigil sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila.
Sa isang statement, sinabi ng Archdiocese na bilang tugon sa panawagan ni Archbishop Charles John Brown, ang Apostolic Nuncio to the Philippines, na ipagdasal ang agarang pagrekober ng Santo Papa gayundin ang lahat ng mga doktor at nurses na nag-aalaga sa kaniya, iniimbitahan ang mga mananampalatayang makibahagi sa prayer vigil para sa kay Pope Francis sa oras na alas-5 ng hapon.
Nauna na ring nanawagan si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa lahat ng mga parokya at komunidad sa Archdiocese of Manila na mag-organisa ng Holy Hour for the Healing of the Sick lalo na para sa Santo Papa.
Nanawagan din si Archbishop Advincula sa mga mananampalataya na mag-alay ng personal at family prayers para sa parehong intensiyon.
Kasalukuyan ngang naka-confine ang 88-years old pontiff sa Gemelli hospital sa Roma matapos ma-diagnose na may double pneumonia na nangangahulugan na apektado ang pareho niyang baga.