CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi natitinag subalit hinihintay ng kompanyang Metro Pacific Water ang opisyal na kopya ng resolusyon na naihain ng city council special session kung saan naghikayat sa kanila na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat ma-deklara na ‘persona non grata’ sa Cagayan de Oro City.
Kaugnay ito sa desisyon ng kompanya sa pamamagitan ng kanilang Cagayan de Oro Bulk Water Incorporated (COBI) na pansamantala na pinapa-putol ang suplay ng tubig na binili nila sa Rio Verde Consortium Incorporated para sa mga konsumante ng Cagayan de Oro Water District (COWD).
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Atty. Roberto Rodrigo,senior legal counsel ng kompanya na wala silang kuwestiyon sa resolusyon na magde-deklara na persona non grata sa kanila dahil nauunawaan umano nito ang trabaho ng local elected officials ng syudad.
Sinabi ni Rodrigo na mabuting pagkakataon rin ito para mailatag nila ang kanilang paliwanag sa inilabas na temporary water cutoff order para sa COWD.
Magugunitang simpleng paniningil lang ang ginawa ng kompanya sa city water district subalit nagkalabuan dahil sa ginamit na magkaibang computation formula at pumasok pa sa sigalot ang local elected officials ng syudad.